
UNANG araw ng Paglikha, binuo ng Diyos ang aso at sinabihan, “Umupo ka buong araw sa tabi ng pinto ng bahay mo, at tahulan lahat ng pumasok o dumaan. Para diyan, bibigyan kita ng buhay na may haba na 20 taon.” Sagot ng aso, “Mahabang panahon ‘yan ng pagtahol. Bigyan Niyo na lang ako ng 10 taon, isosoli ko ang labis na 10 taon.” Pumayag ang Diyos.
Ikalawang araw hinubog ng Diyos ang matsing at inatasan, “Mag-lambitin ka at patawanin ang mga tao. Para diyan bibigyan kita ng 20 taon na buhay.” Sagot ng mat-sing: “20 taon? Mahaba yata ‘yun para magpasaya lang sa iba. 10 taon lang okey na, isosoli ko ang sobrang 10.” Muli pumayag ang Diyos.
Ikatlong araw ginawa ng Diyos ang baka, at inutusan, “Kailangan tulungan mo ang magsasaka sa bukid, tiisin ang init buong araw, mag-anak ng guya, at magbigay ng gatas sa pamilya niya. Bibigyan kita ng buhay na 60 taon.” Nakiusap ang baka: “Napakahaba namang buhay ‘yan ng paghihirap. Sana 20 taon na lang, at isosoli ko ang 40.” Okay sa Diyos.
Ikaapat na araw nilikha ng Diyos ang tao. Tuwang-tuwa Siya sa Sarili, kaya pinayuhan ang tao, “Kumain, matulog, maglaro, mag-asawa, magpakasarap sa buhay. Bibigyan kita ng 20 taong buhay.” Umangal ang tao: “20 taon lang? Puwede ba ganito na lang, akin na ang 20 taon ko, tsaka ang isinoli ng baka na 40 taon, at ang isinoli ng matsing at aso na tig-10 taon, kaya 80 taon lahat?” Dahil giliw na giliw ang Diyos sa tao, sinagot Niya, “Kung ‘yun ang nais, ‘yun ang makakamit.”
At ‘yan ang dahilan kung bakit, sa unang 20 taon ng ating buhay, puro tayo kain, tulog, laro, at pagpapasarap lang. Tapos, sa susunod na 40 taon, mala-alipin tayo sa ilalim ng araw nagpapakain ng pamilya. Sunod, 10 taon tayo nag-aala-matsing para patawanin ang mga apo. At sa huling 10 taon nakaupo lang tayo sa veranda at tinatahulan ang mga dumadaan.